Monday, November 23, 2015

Kung handa ka nga sa Rehimeng Duterte


Ayun, matapos ang ilang beses na paroo't parito, tatakbo si Rodrigo Duterte, Mayor ng Davao na kilala bilang tigasin, matapang, walang-takot na amining handa siyang pumatay ng ganun-ganun lang, nang hindi napapatunayan ng korte, "beyond reasonable doubt," kung ang isang tao nga'y nagkasala basta't sa mata ni Duterte ay dapat na nga siyang itumba.

Ang daming masaya sa deklarasyong ito, mga naniniwalang siya nga ang magsasalba sa bayan mula sa katiwalian, sa korupsyon, sa kriminalidad, sa kahirapan at iba pang sakit ng lipunang Pilipino.

Ang sarap nga namang panoorin sa TV, nakakaaliw, kung ang presidente ng isang bansa ay nagmumura, bumubuga ng mga katagang pang action movie na walang sinabi sina Julio Valiente, Leon Guerrero, Asiong Salonga atbp. sa bagsik ng mga salita.

Handa ka nga ba sa isang Rehimeng Duterte?

Ingat ka sa lansangan, lalo na siguro kung lalaki kang mahaba ang buhok, gulanit ang maong - alam mo yun, yung sa mata ng karamihan e kung hindi man tulak e gumagamit ng droga. Baka kasi mapagkamalan kang yun na nga, tulak, o baka may kamukha kang wanted na kriminal dahil isang bala ka lang. Pwedeng-pwede mangyari yan pre sa ilalim ni Duterte - sa iyo o sa kahit sino. 'Di ba't yun ang nagustuhan mo sa kanya, kung paano niya diumano nilinis ang Davao?

Teka, siya nga ba mismo ang pumisil sa gatilyong kumitil sa buhay ng ilang "suspected criminals" sa Davao? Hindi naman siguro. Ilang taong nabigyan ng baril, ng kapangyarihang kumitil ng buhay - paano kaya naiseguro na yung iniwan nilang bangkay sa bangketa e tunay ngang nagkasala? At kung nagkasala man, buhay nga ang dapat nilang bayad sa pagkakamaling iyon? Meron din kayang mga nagkaatraso lang sa isa sa mga tauhang ito?

At dahil labag sa batas hindi lamang ng Pilipinas kundi ng kahit saang sibilisadong lipunan ang ganyang uri ng hustisya, handa ka rin bang ibasura ang konstitusyon, ang batas? Dahil kung payag kang gawin ito sa Davao, payag kang gawin ito sa buong bansa, at malamang ay payag ka ring balewalain ng Rehimeng Duterte ang iba pang mga batas kung sa tingin niya ay hadlang ang mga ito sa kanyang uri ng hustisya.

Ingat ka rin sa pagpuna sa isang tulad ni Duterte, sakaling mahalal nga siya (salamat sa boto mo), kung hindi man siya, ay baka masamain ito ng mga taong bibigyan niya ng mga baril at kapangyarihang mamaril.

Handa ka nga bang sabihin na karahasan ang paraan para ibangon ang ating bayan?

Ako kasi, hindi e.

No comments:

Art and the art of making bacon

 First of all, if you're one of those whose basic understanding of acting is that it's about pretending, don't get me started. I...