Tuesday, May 20, 2014
Wow Cubao
Konting bilis, may pulis! Makikiraan po. Sorry po. Nauntog yung mama sa knapsack ko.
Mainit sa labas ng bus, nakakalusaw ng laman, ng lakas.
Sa isang madilim na bahagi ng iskinita, may matandang naghahapunan sa loob ng ari-arian niya. Kunyaring pag-aari. Talong metro-kwadradong binakuran ng mga karton ng sigarilyo. Nirerespeto naman ng mga kapit-bahay niya ang hiram niyang puwang sa mundo. May agwat na ilang pulgada ang katabing kartong bakod. Tulog na yung kapit-bahay niyang mag-asawa, pero yung anak nila naglalaro pa ng mga plastik na basong nakolekta sa mga basurahan sa paligid. Love ko 'to.
Kape, mainit na kape. Yosi, boss? Sabi ng babaeng naka-belt bag at shorts. Thank you, meron pa. Napilitan akong kunin ang knapsack mula sa bakanteng silya sa tabi ko't ilagay sa pagitan ng mga tuhod ko. Pakiramdam ko maraming masama ang tingin dito. Pakiramdam ko, hindi ka pwedeng malingat ng sandali sa lugar na 'to. Pakiramdam ko rin, hindi tamang pag-isipan ng masama ang mga tao sa paligid ko, pero pakiramdam ko...
Alas-9 ng gabi, umaalingasaw na ang mga bangketa dito, nagtatapon ng mga pinagkainan, pinagsawaan, pinaglawayan at mga napanis ang mga restawran sa mga kanal. Parang sa Baguio din, sa harap ng gusaling pag-aari ng simbahan, amoy panis. Boom.
Heaven's Touch nga ba yung pangalan ng masahehan na nadaanan? Happy ending? Lakad pa...
Boknoy, balut na binalot sa arinang kulay-dalanghita. May penoy din. Paano kaya nagagawa nung babaeng nagtitindang magmukhang preska pa rin sa init ng panahon habang katapat ang kawaling puno ng kumukulong mantika?
May Smart load kayo? Sabay sagot yung isang tindera ng padabog - wala! Mabigat siguro ang nilolob niya. Sa sumunod na tindahan, parehong tanong, halos parehong sagot. Padabog din. Wala, Globe lang! Ok.
Unli-rice at isang hita ng inihaw na manok ang hapunan ko ngayon. Sa katabing mesa, may mag-asawang nag-aaway yata, kasama yung anak nilang may apat o limang taong gulang siguro. Hindi maiwasang marinig ang kanilang pinag-aawayan. Walang kwenta. Bakit kasi hindi pa natin sinakyan yung unang jeep na dumaan? Walang sounds, sabi nung lalake. Bakit pa kasi kayo sumama kung mamadaliin niyo lang pala ko? Sana umuwi na lang kayo ng diretso! E gago ka pala e, sabi mo sandali lang tayo dun, e mukhang sarap na sarap kang umiinom. E hinihintay ko lang namang sabihin mong umalis na tayo. Hellooooo?!?!? Sinabi ko sa'yong mauuna na kami, feeling gentleman ka naman, sabi mo hindi ko kayang buhatin yung bag ko ng may dala-dalang bata! E bakit, kaya mo nga ba? Tangnang to! Papa 'di ba dati nag-swimming ako sa dagat? Parang walang kamuwang-muwang yung bata sa nangyayari. Pero pakiramadam ko alam niya, at gusto lang niyang ibahin ang usapan. Ang laki naman nito! Sabi nung babae. E sabi ko sa'yo yung number 1 lang order-in mo e. Baka hindi ko maubos 'to! Kunyari ka pa, ubusin mo 'yan! Mama o, kalamansi! Subo muna anak, sabi nung tatay sa boses na napakalambing. Ayoko na, alis na ko, 'di ko na kayang marinig pa 'to. .
Sa overpass, mahimbing na natutulog yung isa pang may ari-arian. Karton din ang tulugan. Sa ilang segundo mula nang masilayan ko siya, mapalapit sa kanya, madaanan siya, at minsan pang muling paglingon, nabuo ko yung araw niyang nagsimula ng mga alas-6 kanina. Nagtawag ng pasaherong papuntang Cogeo at umaasang maaambunan ng ilang piso ng tsuper. Naka bente siguro hanggang dumami na silang taga-tawag ng pasahero. Ibang delihensiya naman. Pero wala na siyang maisip. Natulala ng matagal, 'di alam kung ano'ng gagawin. Kumakalam ang sikmura. Buti na lang na-tiempong nakatingin doon nang may aleng nagtapon ng karton ng pagkain na mukhang may laman pa. Takbo, bago maunahan. Kalahating all-beef-patty-special-sauce-lettuce-cheese-pickles-onions-on-a-sesame-seed-bun-hamburger. Ayos. Gusto man niyang lisanin at lumayo sa mundong ito, ito lang ang mundo niya at 'di gaanong malayo ang nararating ng naglalakad lamang. Pero naglakad pa rin buong araw, malayo-layo rin ang narating, pero masyadong malapit pa rin. Tama na, oras na para maglakad pabalik. Ilang oras din ang lumipas. Ilang oras din ang napalampas na ang isip ay hindi nakatuon sa ngayon, sa dito, sa ako, sa bakit, sa kailan, sa overpass dumiretso, buo pa rin ang benteng kinita kanina. Lugaw pwede na. Kapag ganitong walang pupuntahan, walang inaasahan, walang minamahal at nagmamahal, ang buhay, paghihintay lang ng kamatayang kinakatakutan at inaasam-asam rin. Sa pagtulog ngayong gabi, ilang oras din ang lilipas ng 'di nararamdaman. Mas napapalapit ng mabilis sa katapusan. Dito sa overpass, matutulog akong hinehele ng pundasyon ng tulay na kulang sa tibay dahil kinuripot ng gobyerno ang bayad sa kontratista dahil nag-debut yung anak ni Napoles at kailangan ng bagong sapatos. Dito sa overpass, makakatulog ako sa uyayi ng dagundong ng tren sa ibabaw ko at sa galit na busina ng mga bus sa ilalim. Wala akong kinatatakutan, walang gagalaw sa akin dito dahil para sa mga estrangherong dumaraan, wala ako dito, hindi ako umiiral, hindi ako totoo. Wala ring mawawala sa'kin, wala rin maaaring nakawin sa'kin. Wang-wang ng bumbero, papalapit ng papalapit, tatapat ng saglit at papalayo ng papalayo. May sunog. Makakahimbing na sana nang ayan na naman ang isa pang wang-wang.
Malaki yung sunog.
Walang mawawala sa'kin.
Buntong hininga. Balik sa simula.
Wow, Cubao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Art and the art of making bacon
First of all, if you're one of those whose basic understanding of acting is that it's about pretending, don't get me started. I...
-
We heard that there's a new guy on top of the Baguio City Police Office, I just hope he can do something about these clowns: You can'...
-
I kept on saying it over and over that morning, and I'll say it again here now: last Wednesday, April 22, 2009, also known as Earth Day...
No comments:
Post a Comment