Saturday, October 19, 2013
Katarungan para sa mga kababaihan
Nagkataong mayroong press conference nung nakaraang biyernes sa Luisa’s Café sa Session Road habang naroon ako. Panauhin si Monique Wilson, kilalang artista sa entablado at masugid na tagapagtaguyod ng karapatang pangkababaihan at LGBT. Si Monique din ang punong tagapagsalita ng One Billion Rising, o ang malawakang kilusan para sa pagsulong ng mga karapatang pangkababaihan.
Ang pangunahing paksa ng press conference ay hustisya para sa mga kababaihang naging biktima ng karahasang tulad ng pangaabuso sa kamay ng kani-kanilang mga asawa at panggagahasa. Nakakapanlumo ang kwento ng mga tagapagsalita sa press conference, na kinabilangan din ni Mila Singson, ang Secretary-General ng Innabuyog-Gabriela, alyansa ng mga organisasyong pangkababaihan sa Cordilera.
Palala ng palala ang mga insidente ng panggagahasa sa Cordillera. At ang masaklap pa dito, dahil na rin sa kahirapan, madalas na nalulusutan ng mga maysala ang kanilang krimen sa pamamagitan lamang ng pagaalok ng maliit na halaga sa mga biktima. Hindi rin natin masisisi ang mga biktima sa pagtanggap ng mga alok na ito – dahil sa kabulukang umiiral sa ating sistemang panghustisya, karamihan sa kanila ay tuluyan ng nawalan ng tiwala sa ating mga hukom, at dala na rin ng kahirapan, marami ang napipilitang tanggapin ang alok na kabayaran.
Sa hukuman, madalas tayong makarinig ng mga kwento tungkol sa mga biktimang muling nabibiktima ng pambabastos at pangaalipusta sa kamay ng mga hukom at mga abogado. Sino nga namang biktima ang hahayaang muling yurakan ang kanilang dangal at pagkatao habang dinidinig ang kanilang kaso?
One Billion Rising for Justice – pagaaklas ng isang bilyon para sa hustisya, ito ang kampanya ng kilusan para sa darating na February 14. Ngunit makamit man ang pagbabagong hinahangad sa ating sistemang panghustisya, malayo pa rin ang paglalakbay upang makamit n gating mga kababaihan ang tunay na kalayaan mula sa karahasan. At mahalaga ang papel nating mga kalalakihan para tulungan silang makamit ito. Ilang beses mo na bang narinig ang birong “pambayad utang” ang isang anak na babae? Ilang ulit mo na bang narinig, o binigkas, ang mga katagang “kababaeng tao pa naman?” Parang ang isang pagkakamali ay mas malala kung babae ang gumawa. Ilan lang ito sa mga halimbawang nagpapakita ng ating baluktot at maling pagtingin sa mga kababaihan.
Sa ating bansa, malawak pa rin ang pananaw na ang mga babae ay parang bagay lamang na pagaari ng mga lalaki – mapa-ama o tiyuhin, asawa o kasintahan. At dahil sila ang “nagmamay-ari,” maaari nilang gawin sa mga babae anumang gustuhin nila. Ang isang lalaking nakipagtalik sa isang babae ay pilyo, naka-iskor, o macho. Samantalang ang babaeng nakipagtalik sa isang lalaki ay “nagpagamit.” Ang ganitong maling pananaw ang nagbibigay lakas-loob sa mga tarantadong kalalakihan na abusuhin at lapastanganin ang mga kababaihan.
Hindi lang pagbibigay kapangyarihan sa mga kababihan ang kailangan, mahalaga ring baguhin ang kamalayan ng mga kalalakihan dahil mkamit man natin ang repormang hinahangad sa sistemang panghustisya sa ating bansa, magpapatuloy pa rin ang mga abuso’t iba pang uri ng karahasan habang naririyan ang mga tradisyunal na pananaw na matagal nang dapat nabuwag.
Tinanong ako kung ano para sa akin ang ibig-sabihin ng tunay na hustisya para sa mga kababaihan. Medyo nahirapan akong pag-isipan ang sagot. Ano nga kaya ang kailangan upang makamit ito?
Tunay na pagkakapantay-pantay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Art and the art of making bacon
First of all, if you're one of those whose basic understanding of acting is that it's about pretending, don't get me started. I...
-
We heard that there's a new guy on top of the Baguio City Police Office, I just hope he can do something about these clowns: You can'...
-
I kept on saying it over and over that morning, and I'll say it again here now: last Wednesday, April 22, 2009, also known as Earth Day...
No comments:
Post a Comment