Thursday, August 9, 2007

Ang Paglilitis ni Mang Serapio

Synopsis ni Padma Perez
Salinwika sa tagalog mula sa Ingles ni KM Altomonte

ANG PAGLILITIS NI MANG SERAPIO - Isang dula ni Paul Dumol

Sino si Serapio? Bakit siya nililitis? Ano'ng paki-alam natin?

Sa unang limang minuto pa lang ng paglilitis ay tatambad na sa atin ang krimen ni Mang Serapio. Ang pagkakasala niya ay pag-aaruga ng bata. Oo, ang pag-aaruga ng bata ay isang krimen. Unti-unting magkakaroon ng liwanag ang akusasyong ito sa pag-usad ng kwento. Si Serapio ay isang pulubi na kasapi ng isang federacion na namamahala sa arawang-kita ng mga pulubi mula sa pamamalimos. Hinabla siya sa “korte” ng federacion dahil kung tunay nga siyang nag-aaruga ng isang bata, nagkakasala siya dahil bumababa ang kita ng federacion dahil sa pangangalaga niya sa batang yaon. At kung nababawasan nga naman ang kita federacion, kailangan siyang parusahan. Ang maitim na kalikasan ng federacion ay mapaghahalata nang ihayag ng mga taga-usig na ang parusa sa mga lumalabag sa mga batas ng federaciong tulad ni Serapio ay pagpilay o pagbulag, na siya namang makatutulong sa kanilang pagiging pulubi. Ang bawat desisyon ng “korte” ay ginagawa para sa kabutihan ng nakararami sa federacion.

Hindi na bago ang mga balita tungkol sa mga federaciong nagpapalakad sa mga pulubing namamalimos. Madalas tayong makarinig tungkol sa mga ito, at kung tayo'y magmamanman ng mabuti, ang ebidensyang tunay ngang mayroong mga ganitong uri ng federacion ay nasa ating harapan lamang, sa ating mg lansangan. Ang isa sa mga nakakagimbal sa Paglilitis ni Mang Serapio ay ang pag-amin ng isa sa mga kanyang taga-usig na ang tunay na “krimen” ni Mang Serapio ay ang pag-aaruga ng mga pangarap, mga pangarap na hindi naman makakamtan. Para sa federacion, ang mga pangarap at ang mga nangangarap ay mapanganib. Nais tayong paniwalain ng federacion na mas mainam na huwag tayong mangarap, huwag maiba, at huwag pangarapin ang pagbabago, dahil ang pag-asa sa pagbabago ay walang ibang kahahantungan kundi pagkakasakit at kabiguan.

Sa paggamit ng estilong theater-in-the-round kung saan nakapalibot ang mga manonood sa acting area, kakaibang karanasan sa panonood ng isang dula ang hatid ng pagtatanghal ng Open Space Projects ng “Ang Paglilitis Ni Mang Serapio.” Bukod pa rito, ang pagtatangahal na ito ay maaari ring magsilbing plataporma sa pagtalakay ng mga paksa sa araling panlipunan tulad ng struktura ng kapangyarihan sa ating lipunan. Para sa mga estudyante, nagbibigay-daan din ang dula para sa mga talakayan ukol sa mga kaugaliang pilipino at mga konsepto ng ambisyon, pag-asa, hustisya at pag-ibig.

Dagdag pa rito, ang pagsasadula ng paglilitis bilang isang tila palatuntunang pantelebisyon o showbiz blitz ay maaari ring maging tulay sa mga katanungan ukol sa paghubog ng media sa mga impormasyon, mga imahe at ating pag-iisip at kung paano nito naapektuhan ang ating buhay at ang ating mga paniniwala.

Kung ang buhay ay tila nga isang dula, ang Paglilitis ni Mang Serapio ay isang palabas na ipinaloob sa isa pang palabas, at tayo, ang mga manonood, ay mga saksi hindi sa krimeng nagawa ni Mang Serapio, kundi sa mga kawalang-hustisya ng mga ginawa sa kanya.

Bilang mga saksi, kailangan din siguro nating itanong sa ating mga sarili ang mga katanungang ibinato kay Mang Serapio, at maari siguro tayong mapagisip-isip, si Serapio nga ba ay isa lamang hamak na pulubi, o isa ba siyang taong nangangarap, at maari nga kayang isa siyang katulad natin? At kung siya nga ay katulad din natin, sino ang Federacion at paano tayo binubulag nito?

(Open Space Projects' production of Ang Paglilitis Ni Mang Serapio goes on stage at the Bulwagang Juan Luna of U.P. Baguio on August 23, 2007 with shows at 1:30PM and 6:30PM. For inquiries call Dulaang U.P. at mobile 09175060080 or UPCAC at 09102504935 or landline # (074) 4448393)

No comments:

Art and the art of making bacon

 First of all, if you're one of those whose basic understanding of acting is that it's about pretending, don't get me started. I...