Saturday, March 29, 2014
Ang mga tunay na bayani ng bayan ko
Sila yung nililigawan ng mga pulitiko kapag may eleksyon, dahil sa kanila nanggagaling ang mas nakararaming boto. Sila yung pinapangakuan ng trabaho, pabahay, pagbabago… na madalas ay nakakalimutan kapag napanalunan na ang halalan. Madalas bilugin ang kanilang mga ulo, papaasahin ng mga pulitikong gaganda ang buhay nila kapag sila’y binoto.
Sila rin yung pibagbabantaan ng sakit o kamatayan kapag nagtangka silang ipahayag ang kanilang tunay na niloloob.
Kasama sila sa dalawampu’t limang milyong kababayan natin na nabubuhay sa mas mababa pa sa singkwenta pesos araw-araw, na sapat limang para sa isang kilong bigas at ilang pirasong galunggong o tuyo.
Sila yung pumupuno ng jeep, dala-dala ang bayong para mamalengke, o si bunso upang ihatid sa eskwela (nakakandong ang bata, para tipid sa pamasahe), o papasok sa trabahong kung saan hindi sapat ang tinatanggap upang buhaying ang kanilang pamilya ng marangal at maginhawa.
Sa Baguio, sila yung hinahabol ng mga tauhan ng pamahalaan kapag hapon, sa Session Road, sa overpass, sa Mansion House, itinatakbo ang mga kung ano-anong paninda para hindi makumpiska dahil bawal hanapbuhay na napili nila – ang maglako ng prutas, gulay o kahit ano’ng may halagang pwedeng ibenta para makapghain ng katiting na hapunan sa mesa. Karamihan kasi sa kanila’y hindi nakatanggap ng sapat edukasyon, kaya limitado rin ang alam nilang gawin upang mabuhay. Sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas, ang edukasyon ay karapatan ng bawat Pilipino.
Sila rin yung binubusinahan ng Pajero sa tawiran, na para bang wala silang karapatang abalahin ang nagmamay-ari ng sasakyan dahil kailangan ilang tumawid ng lansangan para makarating sa paroroonan. Daanan nila yung binawasan para palakihin ang kalyeng dadaanan ng mga sasakyan.
Sila yung pumupuno ng kahabaan ng Session Road kapag may parada at mga anak nila yung mga nagsasayaw sa ilalim ng init ng araw para makapagbigay aliw sa mga turista at karagdagang kita para sa mga kapitalistang nagmamay-ari ng mga hotel, restawran, inuman at iba pa – karamihan sa mga lugar na ito bawal ang naka-tsinelas.
Gusto nilang magpagawa ng paradahan ng mga sasakyan sa isang pasyalan dito sa Baguio – ang Melvin Jones Football Grounds, para mas maginhawaan ang mga mayayamang nagmamay-ari ng sasakyan. Tuwing umaga sa oras ng pagpasok sa eskwela, ang mga estudyanteng may kahirapan ay kailangang maglakad ng mas malayo dahil bawal ang mga jeep sa kahabaan ng Gen. Luna habang ang mga hinahatid ng mga pribadong kotse ay naihahatid ng kanilang mga tsuper hanggang sa pintuan mismo ng paaralan. Marami sa kanila ang nanganganib na matibag ang mga tahanan, dahil wala silang titulo para sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at sa mata ng pamahalaan, iskwater.
Ngunit sila ang nagpalaya sa ating bayan nang sila'y mag-alsa laban sa mga mananakop. Sila rin ang pumuno ng bawat pulgada sa EDSA upang patalsikin ang diktaturya sa ating bayan. Sila yung gumawa ng bahay mo, nagmamaneho ng sasakyan mo, nag-aalaga ng mga anak mo, naglalaba ng mga damit at naglilinis ng bahay mo, nagtatanim ng kinakain mo, nagpapalitada ng daanan mo... sila ng mga tunay na bayani ng bayang ito.
At habang patuloy ang pandarambong ng mga magnanakaw sa gobyerno, patuloy rin silang maghihirap. Marami silang gusting ipahayag sa mga may kapangyarihan, ngunit dahil nga wala silang kapangyarihan, madalas hindi sila pinakikinggan. Ang inilalathala ng mga pahayaga’t istasyon ng radyo’t telebisyon e yung mga naka-barong, mataas ang posisyon sa gobyerno’t lipunan, yung mga may titulo ang pangalan.
Ngunit kahit hindi nila sadyang ihayag ang kanilang sinasaloob, ang kanilang mga pangarap, mithiin, mga hinaing, hindi naman talagang kailangan – huwag tayong magbingi-bingihan dahil umaalingawngaw ang kanilang taghoy sa bawat sulok ng lipunan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Art and the art of making bacon
First of all, if you're one of those whose basic understanding of acting is that it's about pretending, don't get me started. I...
-
Newly elected senator, Grace Poe, is reportedly mulling the legalization of marijuana. If this actually gets to the senate floor at all, we...
-
We heard that there's a new guy on top of the Baguio City Police Office, I just hope he can do something about these clowns: You can...
No comments:
Post a Comment