Teka, teka
sandali lang po
pwede pong magtanong?
Papaano ko po mapapaalis
yung pangalan ko sa listahan niyo?
Teka, teka
sandali lang po
Sa palagay ko po
ay nagkamali lang po
kung sino man ang napagtanungan niyo
Teka, teka
sandali lang po
Hindi naman po tama yan
bakit po ako aamin
e hindi naman ako drug adik?
Teka, teka
sandali lang po
Hindi rin po, hindi ako tulak
Peks man, talagang hindi po
At wala rin po akong kilalang nagtutulak
Teka, teka
sandali lang po
Pero sabi niyo po, kung walang kasalanan
walang dapat ikatakot
e bakit po tinatakot niyo ko?
Teka, teka
sandali lang po
Ibaba po ninyo ang baril niyo
hindi po ako nanlalaban
wala po akong kalaban-laban
Teka, teka
sandali lang po
Huwag po
parang awa niyo na po
huwag po
Teka, teka
huwag po
sandali lang po
huwag po
